Saturday, March 26, 2011
Wednesday, January 19, 2011
SIX MONTHS NA PALA
Agusto ng nakaraang taon ng ako ay nagsimulang mag-blog. Out of my curiosity, nag-research ako kung paano mag-blog. Idagdag pa dito yung sinabi ni mrs. ko na subukan kong mag-blog. Sabi ko noon, di ko yata magagawang mag-blog kasi hindi naman ako writer eh.
Naalala ko tuloy yung time, na nag-attend din ako ng script writing seminar ng isang premyadong script writer sa Pilipinas na si Ricky Lee. Kasama ko sa seminar ang isang kaibigan. Actually, siya nga ang nagyaya sa akin para umatend sa seminar na iyon. Dahil sa seminar na iyon ay nagkaroon kami ng pagkakataon na makilala ang ibang mga writer sa T.V. at sa komiks. Niyaya nila kami na subukan din ang pagsusulat sa T.V. at komiks. Dala ng matinding enthusiasm, sinubukan naming magsulat para sa komiks. Gumawa kami ng kaibigan ko ng tig-sampung maiiksing kuwento at sabay naming isinubmit iyon sa komiks. Pagkalipas ng isang lingo bumalik kami para sa panibagong submittal ng mga kuwento namin at para alamin na rin kung natanggap ang mga naunang kuwento na isinubmit namin. Walo sa sampung kuwento ng kaibigan ko ang natanggap at nabayaran samantalang ang sampung kuwento ko naman ay hindi nakapasa sa mga editor. Nakapagandang bwena mano iyon para sa aming dalawa, at dahil kuwento niya ang natanggap, siyempre siya ang taya sa meryenda namin.
Nagpatuloy kami sa pagsa-submit ng aming kuwento para sa komiks, dahil sa magandang resulta para sa aking kaibigan. Pero pagdating sa aking mga kuwento ay walang nakakapasa sa mga editor. Meron sanang isang kuwento ko ang nakapasa na sa isang editor, kaya lang kinakailangan pa ng final approval ng kanyang Chief Editor dahil baguhan pa ang editor na nakatuka sa aking kuwento. Sinabi ko sa sarili ko na pag matanggap ang kuwento kong iyon, magpapatuloy ako sa pagsusulat, pero pag nareject iyon, hihinto na ako. At katulad ng mga nakaraang resulta, nareject na naman ang aking kuwento. Yun na ang huli kong submittal.
Nagpatuloy sa pagsulat ang aking kaibigan, hindi lang sa komiks, nakapagsulat na rin siya para sa mga programa sa T.V. hanggang sa kasalukuyan. Ako naman ay sumubok ng aking kapalaran sa ibang bansa.
Ngayon muli kong sasanayin ang aking sarili sa pagsusulat, pero hindi na sa komiks, dito nalang ako magsusulat sa blog. Hindi rin naging madali para sa akin ang pagsisimula na magsulat dito, alam ko na marami pa akong dapat malaman upang mas mapaganda ang aking blog site pati na rin ang aking mga blog post.
Pagkalipas ng dalawang buwang pagsusulat medyo namahinga ako, sabi ko nga naku baka wala akong marating dito sa blog. Wala akong mararating kung hihinto ako, pero kung magpapatuloy ako kahit papaano ay may mararating din ako. Hindi naman talaga ako nagpahinga sa blog, ipinagpatuloy ko pa rin yung isa kong blog na kung saan ay araw-araw akong nagpopost. Maaari mo ring bisitahin ang blog ko na ito.
At sa paglipas nga ng mga araw at buwan, nagulat na lang ako kasi six months na pala ako since nagsimula ako sa blog. Marami pa akong gustong ibahagi sa blog site ko na ito sa mga darating na araw. Pero bago ang mga iyon ay magpapasalamat muna ako, una sa Panginoon dahil sa mga inspirasyon at guidance Niya para sa akin. Pangalawa para sa aking pamilya at mga mahal ko sa buhay dahil sa kanilang moral support para sa akin. At pangatlo sa inyong lahat na patuloy na sumusubay sa aking mga panulat at sa walang sawang pagtangkilik at pagbabasa sa aking mga blog post. Nawa’y hindi po kayo magsasawa na bisitahin ang aking blog site sa mga panahon na kayo ay libre. Maaari din po ninyo itong ibahagi sa inyong mga kaibigan sa facebook. J
Maraming-maraming salamat po. Hanggang sa uulitin.
Happy Six Months to www.jongenese.blogspot.com
Subscribe to:
Posts (Atom)